Huwebes, Abril 19, 2018

KALACHUCHI


Ang kalachuchi ay karaniwang puno na nakikitang nakatanim bilang halamang ornamental sa mga parke at plaza. Ito ay punong may katamtamang taas lamang ay namumulaklak ng maputi, madilaw, o mapusyaw na kulay at may angking halimuyak na kaayaaya. May dahon ito na makapal at mayaman sa dagta. Ito ay tumutubo saan mang lugar sa bansa at sa buong mundo, ngunit orihinal na nagmula sa bansang Mexico.

ANO ANG MGA SUSTANSYA AT KEMIKAL NA MAAARING MAKUHA SA KALACHUCHI?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang kalachuchi ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
Ang balat ng kahoy ay mayroong plumierid, isang uri ng glucoside na may mapait na lasa.
May taglay naman na resins, caoutchouc at calcium salts ng plumieric acid, at cerotinic acid at lupeol sa dagta nito.
Ang buong halaman ay makukuhanan ng steroids, flavanoids, tannins, alkaloids, and glycosides.
Ang pinatuyong dahon ay may alkaloids, cyanogenic glycosides, phenolic compounds, flavonoids, terpenoids, tannins, at saponins.

ANONG BAHAGI NG HALAMAN ANG GINAGAMIT BILANG GAMOT, AT PAANO GINAGAMIT ANG MGA ITO?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
Balat ng kahoy. Ang balat ng kahoy ng kalachuchi ay nilalaga at pinapainom sa taong may karamdaman o kondisyon. Maaari ding dikdikin ang balat ng kahoy at ipantapal sa ilang kondisyon sa balat.
Bulaklak. Ang mahalimuyak na bulaklak ng kalachuchi ay nilalaga din upang magamit sa panggagamot.
Dahon. Ang dahon ay maaaring ilaga at inumin na parang tsaa, o kaya naman ay dikdikin at gamiting pantapal sa apektadong bahagi ng katawan.
Dagta. Ang malagkit na dagta na nakukuha sa mga sanga, dahon, at iba pang bahagi ng halaman ay ginagamit na pampahid sa ilang kondisyon sa katawan. Maaari din itong ihalo sa langis bago ipahid.

ANO ANG MGA SAKIT AT KONDISYON NA MAAARING MAGAMOT NG KALACHUCHI?

1. Problema sa pagreregla. Ginagamit ang pinaglagaan ng balat ng kahoy o kaya ay dagta ng kalachuchi sa pagkakaroon ng problema sa daloy ng dugo tuwing may buwanang dalaw. Makatutulong ang paggamit sa kalachuchi upang mas mapabuti ang pakiramdam.
2. Impeksyon ng bulate. Maaaring gamitin ang balat ng kahoy sa ugat ng puno upang puksain ang mga bulate sa tiyan. Ito’y nilalaga at iniinom na parang tsaa.
3. Galis. Mabisang makagagamot sa galis sa balat ang paghuhugas sa apektadong bahagi ng katawan ng pinaglagaan ng balat ng kahoy ng kalachuchi.
4. Mga bukol at tumor. Ang dinikdik na balat ng kahoy ng kalachuchi ay ipinangtatapal sa bahagi ng katawan na may mga bukol at tumor.
5. Rayuma. Ipinangpapahid sa nananakit na bahagi ng katawan ang dagta ng kalachuchi na hinalo sa langis ng niyog upang mabawasan ang pananakit.
6. Pangangati ng balat. Mabisang pang-alis ng pangangati ng balat ang pagpapahid ng dagta ng kalachuchi.
7. Biyak-biyak na talampakan. Ipinangbababad sa apektadong paa ang pinaglagaan ng dahon ng kalachuchi.
8. Diabetes. Ang pinaglagaan naman ng bulaklak ay maaring ipainom sa taong may sakit na diabetes.
9. Pananakit ng ngipin. Ang pinaglagaan ng balat ng kahoy ay makabubuti sa dumadanas ng pananakit na ngipin. Ipinangmumumog lamang ito.
10. Hika. Ang paghithit sa sinusunog na dahon ng kalatsutsi na parang naninigarilyo ay makatutulong sa dumadanas ng hika.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento