Huwebes, Abril 19, 2018

HALAMANG GAMOT: BAYABAS


Ang bayabas ay kilalang halaman lalo na dahil sa bunga nito na paborito ng maraming Pilipino. Ginagamit ang ilang bahagi ng halamang ito particular ang dahon bilang panggamot sa ilang mga karamdaman. Karaniwan naman itong tumutubo sa iba’t ibang lugar sa kapuluan ng Pilipinas.
ANO ANG MGA SUSTANSYA AT KEMIKAL NA MAAARING MAKUHA SA BAYABAS?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang bayabas ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
Ang halaman ng bayabas ay makukuhanan ng mga kemikal na alkaloids, flavonoids, glycosides, polyphenols, reducing compounds, saponins at tannins.
Ang dahon ay mayroong alkaloids, anthocyanins, carotenoids, essential oils, fatty acids, lectins, phenols, saponins, tannins, triterpenes, and vitamin C. Mayroon pa itong ß-sitosterol, maslinic acid, at flavonoids.
Ang bunga naman ay may taglay na glykosen, saccharose, protein, at iba pa. Mayaman din ito sa Vitamin C.
Ang ugat at balat ng kahoy ay parehong may mataas na lebel ng tannins
ANONG BAHAGI NG HALAMAN ANG GINAGAMIT BILANG GAMOT, AT PAANO GINAGAMIT ANG MGA ITO?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
Dahon. Ang dahon ay malimit gamitin na panggamot sa ilang mga karamdaman. Maaari itong ilaga at ipainom sa may sakit na parang tsaa. Maaari ring tadtarin ang dahon upang mas madaling makuhanan ng katas. Maaari ding ipanguya lamang ang murang dahon ng bayabas at gamitin ang nanguyang dahon bilang gamot. Maaari ring ipang tapal ang dinikdik na dahot sa mga apektadong bahagi ng katawan.
Bunga. Ang bunga ng bayabas ay maaaring kainin lamang o lutuin at isangkap sa ilang mga putahe.
Balat ng kahoy. Pinakukuluan ang balat ng kahoy upang ipang mumog o ipanghugas.
Ugat. Inilalaga din ang ugat ng bayabas kasama ng iba pang bahagi ng halaman upang magamit bilang gamot.
Bulaklak. Ang bulaklak din ay maaaring isama sa paglalaga ng ilang mga bahagi ng halaman.
ANO ANG MGA SAKIT NA MAAARING MAGAMOT NG BAYABAS?
1. Ulcer. Ang pagkakaroon ng ulcer sa sikmura ay matutulungang mapagaling nang mas mabilis sa tulong ng pag-inom ng pinaglagaan ng dahon ng bayabas.
2. Sugat. Mabilis din ang paghilom ng mga sugat kung tatapalan ng dinikdik na dahon ng bayabas. Mahusay din ang paghuhugas sa sugat gamit ang pinaglagaan ng sariwang dahon.
3. Pananakit ng ngipin. Maaaring nguyain ang murang dahon ng bayabas upang mabawasan ang pananakit ng ngipin. Dapat ding isiksik sa bulok na ngipin ang nginuyang dahon.
4. Pagtatae. Makatutulong ang pag-inom sa pinaglagaan ng tinadtad na dahon ng bayabas, o kaya pinaglagaan ng ugat at balat ng kahoy ng bayabas. May bisa din ang pinaglagaan ng murang bulaklak ng bayabas.
5. Pamamaga ng gilagid. Ang pamamaga naman ng gilagid ay maaring mapahupa ng pagmumumog sa pinaglagaan ng ugat at balat ng kahoy ng bayabas. Makatutulong din ang pagnguya ng murang dahon ng bayabas.
6. Rayuma. Ang pagtatapal ng dinikdik na dahon ng bayabas sa mga apektadong bahagi ng katawan ay makababawas sa pananakit dulot ng rayuma.
7. Hirap sa pagdumi. Ang bunga ng bayabas na ginawang jelly ay makatutulong sa pagpapadalit ng pagdumi.
8. Epilepsy. Ang katas ng dinikdik na dahon ng bayabas ay mabisa din sa pagpapahupa ng sintomas ng epilepsy.
9. Bagong tuli. Kilalang ginagamit ang pinagnguyaan ng dahon ng bayabas sa mabilis na pagpapagaling ng sugat sa bagong tuli.
10. Bagong panganak. Ginagamit din ang pinaglagaan ng dahon ng bayabas sa paghuhugas sa puerta ng babae na bagong panganak. Makatutulong ito sa mas mabilis na paghilom ng sugat.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento